Monday, November 12, 2012

Kaluluwa(short poem)

KALULUWA

Nararamdaman ko malamig na hangin
Malungkot na wika na nais sabihin
Biglang naalala iniwan sa atin
Ang saya't pighati'y mahirap limutin.

Sa ating gunita ay hindi mawala
Mahahalagang bagay na ipinamahala
 Laging tatandaan kahit wala sila
Sa hamon ng buhay tayo'y may kasama.

Saturday, September 29, 2012

Talahib(poem)


TALAHIB
ni Princess Diane Carmela Fshyne T. Tiquis, IV-Science

Kung sa paghuni ng ibon / sa ilalim ng langit
Iyong mauulinigan / ang matatamis na himig
Ang ningning ng kagubatan / damong tulad ng talahib
Nagmimistulang sagabal / sa malawak na kamalig.

Masdan yaring kapatagan / na humihimlay sa alpa
Nagbinhi sa kabukira’y / ang pagod di alintana
Mga dahong sumusugat / sa magagaspang na paa
Pinipilit na sugpuin / kahit lubhang magdurusa.

Ang halamang sumasayaw / sa munting bulong ng hangin
Sa kaniyang pag-indayog / kabataan ay aliwin
Upang mga iniisip / sumibol ang adhikain
Sa pagdating ng panahon / tayo ay dadakilain.

Naglipadang alitaptap / sa bughaw na himpapawid
Mga ligaw na halaman / na nagtatago sa gilid
Sa bawat ng araw ng buhay / na kawangis nang balakid
Kasing tibay at ‘sing tatag / ng lubid na di mapatid.

Ang kulay nitong luntiang / nagbibigay ng ligaya
Sa mga musmos na dunong / ng  mga budhing payapa
Mga hirap na damdamin / ito’y nagsilbing pag-asa
Kahit pa ang kahinaan / ang siyang magiging banta.

Ang malalagong talahib / na laging dinaraanan
Hindi mo lang pansin / ito’y nagsilbing tahanan
Sa pagsapit ng karimlang / puno ng kababalaghan
Dahon nitong matutulis / hatid ay kapighatian.

Sa gubat ay gumigimbal / malakas na alingawngaw
Naririnig sa malayo / ang maingay na batingaw
Nakakasindak na tunog / umuugong na bulahaw
Kung pagmamasdan ng lubos / dahan-dahan ang paggalaw.

Kahit hindi maarawan / patuloy na tumutubo
Na katulad din ng taong / madapa’y di sumusuko
Kapag lalong nahirapan / pilit pa ring tumatayo
Di padadala sa lugmok / sa bigat ng pagkatalo.

Ang lahat ng mga bagay / may mga kapararakan
Na kapag nawala sila’y / di pantay sangkatauhan
Kamuwangan ay gamitin / palawakin ang isipan
Sa paggawa ng mabuti / tayo’y maging kasangkapan.

Damong pinamumukadkad / ng mga pusong malambot
Katulad ng isang batang / kakikitaan ng lugod
Sa malawak na kakahuyan / na kawangki ng abubot
Isang bigkis ng halamang / nagbibigay ng kilabot.