Saturday, September 29, 2012

Talahib(poem)


TALAHIB
ni Princess Diane Carmela Fshyne T. Tiquis, IV-Science

Kung sa paghuni ng ibon / sa ilalim ng langit
Iyong mauulinigan / ang matatamis na himig
Ang ningning ng kagubatan / damong tulad ng talahib
Nagmimistulang sagabal / sa malawak na kamalig.

Masdan yaring kapatagan / na humihimlay sa alpa
Nagbinhi sa kabukira’y / ang pagod di alintana
Mga dahong sumusugat / sa magagaspang na paa
Pinipilit na sugpuin / kahit lubhang magdurusa.

Ang halamang sumasayaw / sa munting bulong ng hangin
Sa kaniyang pag-indayog / kabataan ay aliwin
Upang mga iniisip / sumibol ang adhikain
Sa pagdating ng panahon / tayo ay dadakilain.

Naglipadang alitaptap / sa bughaw na himpapawid
Mga ligaw na halaman / na nagtatago sa gilid
Sa bawat ng araw ng buhay / na kawangis nang balakid
Kasing tibay at ‘sing tatag / ng lubid na di mapatid.

Ang kulay nitong luntiang / nagbibigay ng ligaya
Sa mga musmos na dunong / ng  mga budhing payapa
Mga hirap na damdamin / ito’y nagsilbing pag-asa
Kahit pa ang kahinaan / ang siyang magiging banta.

Ang malalagong talahib / na laging dinaraanan
Hindi mo lang pansin / ito’y nagsilbing tahanan
Sa pagsapit ng karimlang / puno ng kababalaghan
Dahon nitong matutulis / hatid ay kapighatian.

Sa gubat ay gumigimbal / malakas na alingawngaw
Naririnig sa malayo / ang maingay na batingaw
Nakakasindak na tunog / umuugong na bulahaw
Kung pagmamasdan ng lubos / dahan-dahan ang paggalaw.

Kahit hindi maarawan / patuloy na tumutubo
Na katulad din ng taong / madapa’y di sumusuko
Kapag lalong nahirapan / pilit pa ring tumatayo
Di padadala sa lugmok / sa bigat ng pagkatalo.

Ang lahat ng mga bagay / may mga kapararakan
Na kapag nawala sila’y / di pantay sangkatauhan
Kamuwangan ay gamitin / palawakin ang isipan
Sa paggawa ng mabuti / tayo’y maging kasangkapan.

Damong pinamumukadkad / ng mga pusong malambot
Katulad ng isang batang / kakikitaan ng lugod
Sa malawak na kakahuyan / na kawangki ng abubot
Isang bigkis ng halamang / nagbibigay ng kilabot.