Sulat ni Ina (Comment_Filipino 3)
Sa pagkumpas ng kamay ng orasan,ang
panahon ay mabilis na lumilipas. Sa pagpatak sa bawat segundo, minuto at oras ay
may kaakibat na alaala. Alaala na may kasamang pangungulila na du;ot ng labis
na pagmamahal at pag-aaruga.
Inuukit sa kasaysayan ng ating buhay
ang pinakamagandang biyaya ipinagkaloob ng Diyos, ang ating mga magulang. Sa kanilang
paghaplos na tumatagos sa dibdib at mga aral na tumatatak sa isip ay siyang
humuhubg sa ating pagkatao. Bawat butil ng hirap at pagsasakripisyo ay kaya
nilang tiisin para ipadama ang mga yakap ng pagmamahal sa kanilang mga anak.
Ang mag-aruga ng supling ay siyang
tunay na hiyang sa isang ina, isang babaeng hinubog sa tadyang ng lalaki na
nilikha ng Maylalang. Bawat kasiyahan at kalungkutan na naaaninag nila sa mga
mata ng kanilang anak ay kabiyak ng kanilang nadarama. Ang hirap na dinadanas ng
isang anak ay hapis para sa isang ina. Handa nilang ibigay ang sariling buhay
para sa kanilang iniibig na anak.
Sa laot ng kasiyahan ay may kipot ng
kalungkutan. Panahon na lilisan ang isa sa pinakamahalagang tao sa ating buhay.
Ngunit bago pa man dumating ang puntong ito, sulitin natin ang bawat oras na
kasama natin sila at ipadama natin na walang karangyaan ar kayamanan ang
makakatumbas sa kanila. Maaaring hindi natin kayang tumbasan ang patak ng pawis
at pagsasakripisyo nila, subalit sa pagsasabi ng “Mahal kita, Ina” o “Mahal
kita, Ama”, mga salitang magbibigay sa kanila ng pitong langit ng kaligayahan.
Mula sa pagsikat ng araw sa silangan
hanggang sa paglubog nito sa kanluran,ito’y unti-unting sisikat, unti-unting lilisan.
Hindi man minsan nakikita, subalit hindi ito nawawala upang ipadama ang liwanag
at ang init ng pagmamahal. Kawangis ng pagmamahal ng isang ina na hindi kayang
tumbasan ng kahit anong kayamanan na matatagpuan sa ilalim ng karagatan. Hatid
ay ginintuang alaala na umaakit sa mata at nag-iiwan sa puso ng halaga.
No comments:
Post a Comment